Tila mga alitaptap tayong nagkatagpo sa dilim,
Naramdaman ko sa bawat pagpikit ang mga halik mong
Parang balahibong dumadampi sa'king balat,
Tila ikaw ang aking naging araw at gabi,
Ang aking dulo't simula,
Ang aking umpisa at ang aking wakas.
Kaya, mahal, nang ikaw ay lumisan,
Naging malamig ang aking mga gabi at humaba ang aking mga araw,
Animo'y isang bituing nawalan ng liwanag,
At para bang isang lupang tigang na naghahanap ng ulan.
Inaasam-asam ko ang iyong mga halik, yakap,
Ang 'yong nga yapos na tila kumot sa nangangatal kong kaluluwa—
Mahal, kawangis ng isang alitaptap,
Na nag-aabang ng paglubog ng araw,
Maghihintay ako sa dilim.