Candy Reader Poetry: Maghihintay Ako

Kahit abutin tayo ng katapusan ng mundo.
by Franzes Ivy Carasi   |  Jan 29, 2017
PHOTO ABS-CBN ART Clare Magno
Share This!

Isa. Dalawa. Tatlo.
Maraming taon na ang nakalipas mula noong tayo'y nagkalayo.

Apat. Lima. Anim.
Hindi na mabilang kung ilang buwang itinago ang aking lihim.

Pito. Walo. Siyam.
Nagbibilang ng araw dahil ang 'yong pagbabalik ang pinakaaasam-asam.

Sampu. Labing-isa. Labindalawa... tumigil nang magbilang.
Ngunit puso'y patuloy pa ring lumalaban.

Lumalaban kahit walang mahagilap na dahilan.
Kumakapit kahit walang pinanghahawakan.
Umaasa kahit na sa paglimot ay marami sanang paraan.
Dahil nananalig ako na ika'y aking muling masilayan.

Mahal ko, pakatatandaan mo,
Maghihintay ako kahit dumaan pa ang maraming Pasko.
Maghihintay ako mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw.
At sa gabing maginaw, maghihintay pa rin ako habang nakatitig sa mga tala.

Tumigil akong magbilang ngunit hindi ako tumigil na umasa.
Maghihintay at maghihintay pa rin ako kahit abutin pa tayo ng katapusan ng mundo.
Maghihintay ako hangga't ikaw mismo ang magsabing tumigil na ako. 
Mahal ko, maghihintay ako.

REAX!
How do you feel about this article?
How do you feel?
Click on your mood to read related stories