MAGANDANG GABI, AKO SI APOLLO.
ni Shaina Jovell
EXT. EDSA – NIGHT Malamig ang simoy ng hangin, maingay ang mga taong nagdaraan, maalikabok ang paligid, ma-traffic na EDSA. Iyan ang nasisilayan ni Apollo habang siya ay naglalakad-lakad upang maghanap ng kaniyang mapupwestuhan. Lumilinga-linga para makapagsimula na. Sakto, sa ilalim ng footbridge ay may bakanteng pwesto pa. Inilatag niya ang kaniyang dala-dalang kumot at inilapag ang gitara. Hindi inalintana ni Apollo ang katabing nagtitinda ng kendi at nagtitinda ng mga bold na pelikula. Siya ay naupo na sa kumot na inilatag.
APOLLO (pinagpag ang kamay) Ayos na rito. Nagpakilala si Apollo, pero hindi siya pinapansin ng mga tao.
APOLLO Magandang Gabi, Ako si Apollo. Kinuha ni Apollo ang kanyang gitara at nagsimula na sa kanyang talento.
APOLLO (nag-strum ng gitara) Pero ‘di patas ang mundo Dahil hindi ako ang pini- li mo. Hindi siya pinapansin ng mga taong nagdaraan sa harapan niya. Ni hindi rin siya pinapansin ng mga katabing nagtitinda. Pero patuloy lang siya sa pagkanta tila ba may spesipikong tao siyang pinariringgan. Dumarami na ang mga taong nagdaraan, hindi lumilingon hindi humihinto. Patuloy lamang sa paglalakad dahil ang lahat ay tila nagmamadali para sa kani-kanilang lakad. Habang patuloy sa pagtugtog si Apollo, may babaeng tumigil sa kaniyang harapan. Nakatitig lamang sa kanya. Hindi ito tiningnan ni Apollo. Tuloy pa rin siya sa pagkanta. Naglaglag ng barya ang babae kay Apollo.
APOLLO (patuloy sa pag-strum ng gitara) Ako naman ang unang nagmahal sa’yo. Nanlaki ang mata niya sa nakita. Tumibok ng mabilis ang kaniyang puso. Nagbalik ang lahat ng ala-ala ng nakaraan, pero hindi niya ito pinahalata sa babaeng nakatitig sa kaniya. Nanatiling blanko lang ang mga mata ni Apollo, dahil ang babaeng naglaglag ng barya kay Apollo ay ang una niyang pag-ibig.
INSTAGRAM: @filmnishaina