Lihim sa likod ng mga liham
Ano nga ba ang pakiramdam ng isang taong namumuhay sa takot? Ano nga ba ang tumatakbo sa isipan nya? Ilan iyan sa mga tanong na marahil ay tumakbo na rin sa aking isipan ngunit hindi ko inakala na sa sarili ko rin pala mahahanap ang mga kasagutan. Marahil ngayon ay alam nyo na ang takbo ng aking kwento at nagtataka rin kayo kung ano nga ba ang kaibahan nito sa iba pang mga kwento na inyo na ring nasaksihan ngunit hayaan nyo aking ikwento ang mga bagay na aking itinatago sa likod ng mga ngiting aking ikinukubli. Malungkot, nakakapagod at tila paulit-ulit. Mahirap maglagay ng maskara araw-araw at magpanggap na hindi ka umiyak sa madaling araw.
Kahit ako ay naiinis na rin sarili ko dahil tila wala akong pagbabago. Nakakaumay. Tila isang siklo na sa aking buhay ang itanong sa sarili kung bakit ganito lang ako. Alam kong masama na kwestyunin natin ang mga kakayahan natin ngunit tila mas malakas ang bulong ng demonyo kaysa sa mga anghel. Maraming oportunidad na rin ang dumating sa akin pero nang dahil sa takot, lahat ng iyon ay aking tinanggihan.Takot akong matalo. Takot akong malaman na hindi ako magaling sa mga bagay na gusto kong gawin.
Ako nga pala ay labing-siyam na taong gulang pa lamang marahil naiisip nyo na masyado pa akong bata para mamroblema nang ganito ngunit sabi nga ng iba, gaano man kaliit ang laban, laban pa rin yan. Pinangarap ko rin ang magsulat siguro katulad rin ng iba, nais ko ring takasan ang realidad o di kaya ay magbahagi na rin sa iba pero sa totoo lang, pinangarap ko ang magsulat upang marinig ang kwento ng iba. Nagtataka siguro kayo kung bakit tila parang baligtad pero ang totoo nyan, nagsusulat ako dahil gusto ko rin makarinig ng kwento. Gusto ko ring malaman ang nararamdaman ng iba kasi diba mas magandang ikwento ang iyong nararamdaman sa taong pareho rin ng nararamdaman gaya sayo. Mahirap pala ang mamuhay sa takot at lungkot.
Alam kong magulo na ang mundo kaya nagpapasalamat ako sa pakikinig mo sa aking kwento. Siguro nais ko lamang itong maging aking unang hakbang tungo sa pagbabago. Gusto kong ibahagi ang aking nararamdaman para kahit papaano ay mawala ito. Gusto ko ring marinig ang kwento mo at kung paano mo nalampasan ang pagsubok na ito. Salamat sa pagbukas nitong aking liham. Hanggang sa muli, kaibigan.