
Mahalaga ang sinasabi. Maraming epekto ang bawat salitang lumalabas sa ating bibig. Magandang kasama ang masarap kausap, lalo na ang mga nagpapatibay sa iyo. Marami ang iba-iba ang pananaw at nalalaman, at tiyak na mayroon kang gustong kausap. Anong klase? Ikaw? Anong klase ka kaya? Suriin ang mga sumusunod, tingnan kung ano ka dito, at kung sinu-sino naman ang gusto mo.
1. Silent Agent
Sila ang mga taong bihirang magsalita, o baka hindi mo pa alam ang mga totoong boses nila—misteryoso. Gusto rin naman nila ng kausap, kaso katiting nga lang ang lalabas sa bibig nila. Kung sa loob ng klase at walang guro, ang mga ganitong estudyante ay mga nakatunganga lang, nakapalumbaba, at sa buong oras na iyon, nakabibinging katahimikan ang mararansan mo sa pagtabi sa kanila. Sadyang walang topic na mapag-uusapan. Hindi iyon isang boredom para sa kanila. Agent nga sa katahimikan.
2. Lottle
Kapag tinanong mo sila, masasagot nila iyon agad—sa kaunting salita pero mapuwersa. Meaningful na ang isang sentence ng paliwanag niya.
3. Puzzler
Ang mga puzzler ay mahirap kausapin. Magulo silang kausap. Kailangan mo pang ayus-ayusin ang mga sinabi nila para mabuo ang ideya. Marahil, dala ng kaba, takot, o hiya, kayahindi masabi ang point.
4. Paranganto Kabaligtaran ng Lottle.
Ang daming paliwanag. Ang daming sinabi. Kapiraso lang naman ang ibig sabihin. Puro ‘Parang Ganito’ o kaya naman ‘Ganito kasi 'yon.’ Naintindihan na namin bago pa matapos ang 30-minutong ‘kuwento’ niya.
5. Advertiser
Ito ang mga kausap na anuman ang sabihin, nasusunod. Naipapahayag nila nang maganda, mapuwersa, nakakaabot ng damdamin at nakakakumbinsing paraan ang mga nais sabihin. Madalas, mga tagapayo sila. Puwedeng-puwede na nga silang i-hire pang-advertiser sa mall.
6. Speecher
May pagkakatulad siya sa Paranganto. Sila ang pinakamadadaldal. Hindi sila nauubusan ng sasabihin. Oras-oras may dala siyang balita.
7. Liguy-ligoy Expert
Sagana sa topic, kaso hindi pa tapos sa isang topic, may bago na naman. Hindi tugma ang lahat ng example niya. Anong kinalaman niyon? Bakit napunta do'n?—tanong mo na lang.
8. Autobiographer
Sagana naman sa kaalaman ng ibang tao. Puwede ring tawaging ‘The Walking Slambook.’ Delikado sila, matatalim ang mga dila nila. Makikita mo sila sa kanto at taltalan nang taltalan. Sila ang mga awtor sa kuwento ng buhay ng ibang tao. Kapangyarihan niyang magpakalat ng tsismis. Ito bang sumulat? Anong klaseng kausap?
9. Transformative
Dalawang uri ang Transformative:
Ang (1) Transformative Mooder ay mga kausap na paiba-iba ang mood. Minsan madaldal, minsan tahimik, minsan ewan. Isa lang naman talaga ang klase nila, paiba-iba nga lang ng mood; at ang (2) Transformative Multiple na mayroong higit sa isa ang klase ng kausap. Halo, kumbaga.